Sunday, November 21, 2004

'Di Ako Papa Material


Ang malas-malas naman ng kapalarang aking kinagisnan dito sa lupa; hindi ako isinilang na isang Papa material na nilalang.
O napakahapding tunay tuwing kasama mo ang mga kaibigan mong babae at kapag nakakita sila ng mga kakaibang nilalang, nagkakagulo sila kahit patago. Kung sabagay, paano mo nga naman sila masisisi? Ang nakita nila ay gawa sa iba’t-ibang espesyal na material na kapag pinaghalu-halo, ang produkto ay iyong tinatawag na mga Papa.

Madalas kayumanggi o mestiso ang mga taong ito. Siguro ang balat nila ay gawa sa porselana at mamahaling kahoy na galing pa sa ibayong karagatan. Hindi ko mapagtanto kung ano ang dahilan ng epekto ng flawless nilang mga balat sa behavior ng babae. Posible kayang nag-e-emit ng psychological radiation ang material na nagko-compose sa kanila?

Nag-e-emanate din ang extraordinaryong kapangyarihan sa mga Papa. Malas mo kapag hindi ka Papa at may nakaenkuwentro kayo ng isa ng mga kaibigan mong babae.

Katulad na lang sa mumunting gym ng UP Pampanga (actually, public gym yata iyon kasi tuwing 5 pm may mga outsiders na naglalaro). Kasa-kasama mo ang mga friends mo sa tambayan ng org niyo, ngunit kapag naispatan ng radar nila ang isang semikalbong guwapo na magaling mag-basketbol, buburahin ka ng mahiwagang kapangyarihan ng Papa at mawawala ka sa paningin ng mga kasama mo.
Paano niyan? Hindi ako Papa material. Gawa lang ako sa dumi (ayon sa Bibliya). Wala akong baby cheeks na kayang gawing panandaliang baliw ang mga babae. Hindi ako magaling mag-shoot ng bola. Hindi pang-model ang aking tindig at lakad. Talong-talo ako. Wala akong powers na pangontra sa mahika nila. Ang tanging option ko na lang ay manliit at manahimik tuwing may Papa na kikitil sa aking presensiya.

Eh kung hiritan ko kaya ng, “Alam niyo, nadiskubre ko, drug addict iyan. Atsaka nagpapatira daw iyan kapag nangangailangan ng pera.”
Oh no no no no no! Never do that! Huwag sisiraan ang mga ginintuang Papa, dahil aalingasaw ang iyong pagiging insecure.
Eh kung makisawsaw ka sa pag-praise sa kanila? “Uy, magaling din iyan sa soccer. Noong high school, crush ng bayan iyan. At mayaman pamilya niyan ah. May sarili pa ngang kotse eh. Iyang pagka-moreno daw niya, ang alam ko, mana sa kanyang Daddy.”

Waaah! Parang ang sagwang tignan. Baka pag-isipan ka pa na pati ikaw ay interesado sa taong iyon.
So wala na talagang puwedeng gawin kundi dukutin ang cellphone at magpakasasa sa Snake II ng mag-isa hanggang makaalis ang kalaban o hanggang humupa ang paglalarit ng iyong mga kasamang babae.
Kung purgang-purga ka na sa Snake II, i-clear mo ang harapan mo, kabugin ng apat na beses ang table at banggitin ito with actions: "heto ang beat sabay-sabay, heto ang beat bawal sablay; pabilis ng pabilis huwag magmi-miss huwag magmi-miss; gets mo na? gets ko na ang aaahh... Coca-Cola!"
Subukan mo namang ilihis ang topic, magmumukha ka lang kawawa.

Ngunit sa huli, kami pa ring mga kasa-kasama nila ang kanilang mga kapuso o kapamilya sa araw-araw, kahit hindi kami Papable. Sa amin pa rin daw sila tatakbo kapag may kailangan sila o kung may gusto silang i-share na kuwento. Kaming mga hindi Papa pa rin daw ang tunay na action star ng kanilang mga buhay tuwing meron silang personal na suliranin o kung anu-ano pa na hindi mabibigyang lunas ng mga Papa na gumagala sa lupa.
Sabi nga ng isang kaibigan ko, ang mga Papa ay para tignan lamang. Kumbaga sa isang jewelry shop, hands off! Bawal hawakan, bawal kausapin ng masinsinan; hanggang malagkit na tingin ka lamang.
written by Lagsh
UP student