Monday, January 24, 2005

'Tol

Family Ties : 'Tol
Contributed by mulciber (Edited by mananalaysay)
Saturday, January 22, 2005 @ 01:32:14 AM
Print
| Send

Twerpy, Wyeth, Tourmaline, Formalin, Wormy, Twirdle-dee, Twerpeline, at Woyt… ilan lamang ito sa mahabang listahan ng mga pangalang itinatawag ko sa kanya. Simula pa lang sa pagkabata ay madalang ko na siyang tawagin sa tunay na pangalan niya. Hindi naman siya nagagalit, at wala naman akong naririnig na reklamo mula sa kanya kaya naman sa edad niyang labing-anim sa kasalukuyan ay hindi pa rin ako nagsasawa sa pag-imbento ng mga bagong bansag. Nag-umpisa iyan sa Wahan, sinundan ng Wyeth… ang latest ay Twerpy at hindi ko alam kung paano ito nabubuo sa utak ko. Basta ang alam ko, masaya ako dahil ako lang ang may karapatan at namumukud-tanging nilalang sa buhay niya na hindi siya tinatawag sa tunay niyang pangalan, liban na lang kapag magkaaway kami. Oo, kapag magkaaway kami, sa tunay na niyang pangalan kami nagsasagutan. Kaya naman naisip ko na maaaring ang mga bansag na ito ay ang aking “terms of endearment” para sa aking bunso at nag-iisang kapatid.

Limang taon ang agwat namin, kaya naman hirap akong makibagay sa kanya. Nagkataon pa na magkaiba ang aming mga hilig. Basketball, gitara at barkada ang tatlong mundong ginagalawan niya. Lawn tennis, piano at libro naman ang sa akin. Dadalawang bagay lang ang pinagkakasunduan namin, video games at anime. Ngunit kahit sa mga bagay na iyon ay magkaiba pa rin kami. War games at mecha ang hilig niya, ako kahit ano basta maganda ang graphics… sa Final Fantasy at Samurai X lang kami nagkapareho.

Kung gaano ang kinaliberal ko, gayun din naman ang kinakonserbatibo niya. Daig pa niya si Maria Clara sa pagiging malihim. Minsan nga naghuhulaan kami ng mga magulang ko kung ano ang iniisip ng kapatid ko nang minsang nakita namin siyang malungkot.

Ama: Baka break na sila ng girlfriend niya!
Ako: May girlfriend na ba siya?
Ina: Maraming tumatawag na babae dito, si Claire, si Jessica, si Crystal...
Ako: Jessica?
Ina: At mayroon pang itinutukso sa kanya eh, si Jessica, si Catherine...
Ako: Baka nga si Jessica. Lagi kong nakikita name niya sa Inbox ng cell niya.

At voila! Kinaumagahan, may password na ang Inbox. Noong una, 34218 tapos 58362, ngayon hindi ko na alam.

Sa edad niyang labing-anim, hindi nga malayong mangyari iyon. Idagdag pa natin ang sinasabi ng mga kamag-anak naming namana raw niya ang kagwapuhang-palikero ng aming lolo sa ina. Kung sabagay, noong bata pa siya ay cute na cute na sa kanya ang mga ninang niya. Palibhasa biniyayaan ng mestisong kutis. Pero huwag daw akong maiinggit sabi nila, sapagkat ako raw ay binigyan naman ng kagwapuhang-kagalang-galang. Natawa na lang ko.

Outspoken ako at siya ay hindi. Think twice before you speak, ito yata ang motto niya. Simula nang pumasok siya sa fourth year high school, hindi na siya nagkakamay kapag kumakain at ayaw niyang may dumudukot sa pagkain niya. Aba! Training ba ito? Pakiramdam ko nga mas asal-bunso pa ako kaysa sa kanya. At dahil sa kasalukuyang taon ay apat na pulgada ang tangkad niya sa akin, mas madalas niya akong pagsabihan. Naririnig ko na nga eh… Kuya, para kang bata! Hindi ako sumasagot, totoo naman kasi.

Pero kahit na ganoon siya, nabuko ko ang soft spot niya. Nang minsan kasing sabihin ko sa kanila na nakapagdesisyon na akong mag-Nursing at sumama sa tiyahin naming nasa Amerika dahil nawawalan na ako ng pag-asang makahanap ng matinong trabaho sa lumalalang problema ng bansa, nilapitan niya ang aming Ama at medyo galit na nagtanong kung bakit daw nila ako pinayagan. Ipinaliwanag sa akin ng aking Ama na ayaw daw ng aking kapatid na malayo ako. Noong nasa LB pa lang ako ay lingguhan daw niyang itinatanong sa aming Ama kung uuwi ako para sa weekend o hindi. Na-mi-miss daw ako ng kapatid ko sa tuwing umaalis ako. Ang sabi ko naman… Sus! Wala lang siyang makaaway… pero sa totoo, touched ako. Kaya naman ang ending ay kandarapa akong ma-employ dito sa Pilipinas, umaasang gagaan din ang buhay.

Alas-diyes ng gabi, ito ang oras niya ng pagtulog. Ako, ala-una ng madaling-araw. At habang hinihintay ko ang sinusubaybayang palabas sa Discovery Channel, nagmuni-muni ako… ilang taon na lang at maiisipan na rin ng kapatid ko na humiwalay at mag-asawa. Nabibilang na pala ang mga araw na makakabiruan ko siya, makakainisan at maaaway. Kaya naman sa gabing ito, hindi ko pinansin ang TV. Kumuha ako ng unan at dahan-dahang gumapang sa kanya.

Hoy panget, gising! (sabay hampas ng unan sa 6-footer na nilalang) Hindi ako papayag na mag-asawa ka hanggang hindi pa kita natatalo sa pillow fight!

Kinabukasan, alam kong puro pasa na naman ako. Ngunit wala akong pakialam, bilang na ang mga araw na gigising ako na bugbog ng mga matitigas na unan, sapok at tadyak.