Monday, January 31, 2005

pekto

Contributed by lagsh (Edited by mimi)
Tuesday, January 25, 2005 @ 12:01:16 AM
Print | Send

”...Ikaw ang ideal na lalaki ni June.”

One on one na session. Ako at si Benji. Usapang lalaki sa lalaki. Pero bakit parang ako lang ang lalaki?

Kaibigan ko si Benji, simula pa no’ng pumasok ako sa UP. Naging seatmate ko siya sa Humanidades 1, kung saan nagkasundo kami dahil sa hilig namin sa parehong uri ng musika—Pinoy rock.

May banda siya at naghahanap sila ng bagong bokalista. Nagpakamatay kasi ang nauna. Isang araw daw kasi, natagpuan niya ang nobya niyang nakikipag-threesome sa apartment nito. Hindi niya yata kinaya ang nakita niya, kaya naglaslas. Bali iyon, pinipilit ako ni Benji kasi astig daw ang boses ko pero tumanggi ako kasi medyo tinatamad ako. Hindi ko rin naman interes ang kumita ng pera sa gigs kasi mapera naman ako. Atsaka ang academics ko, siyempre, maaapektuhan. Sa huli, sumuko rin siya sa kakapilit.

Naglaon, nakahanap din si Benji ng bokalista para sa Alpha State (banda nila). Babae. Kamukha ni Anne Curtis, pero hindi pa-girl. Sa isang salita, astigin. May pagka-tomboy pero makakasiguro kang babae ang puso niya. Ang pangalan niya ay June, hindi dahil iniluwal siya sa buwan ng Hunyo, kundi dahil—ayon sa kanya—nagtalik ang mga magulang niya ng Hunyo, kaya isinilang siya ng Marso.

Teka, paano ko nga ba nalaman? Ganito kasi iyon.

Sa FEU talaga nag-aaral si June. Gusto niyang lumipat sa UP kasi marami raw rakista. Bukod pa do’n, gusto ng Daddy niya sa UP siya makatapos ng kolehiyo. Kahit anong kurso, huwag lang daw Fine Arts.

Dahil bokalista siya ng Alpha State at kaibigan na rin niya si Benji na Iskolar, si Benji ang hiningan niya ng tulong para maglakad ng papeles at makalipat. Kaagad namang umoo itong si Benji, pero hindi dahil kaibigan niya ito. Mas malalim pa do’n.

Oo, malakas ang tama ni June kay Benji. Patay na patay si Benji sa bokalista ng banda nila at balak niya itong ligawan balang araw, kaya kahit anong hingin nitong si June, oo lang ang sagot. Sa katunayan parang nililigawan na rin niya eh. Ang diperensiya, subtle lang kung makapagparamdam si Benji.

Sa akin madalas sinasabi ni Benji ang nararamdaman niya para kay June. Paulit-ulit na nga minsan, pero pinapalampas ko na lang. Ayokong sirain ang pagpapantasya niya. Huwag muna.

”Pare, ang ganda niya talaga. Atsaka ang lakas ng dating. Sweet din at walang kaarte-arte sa katawan. Kaya naman tuwing nagre-rehearsal kami, todo bigay ako sa drums kasi inspired ako.”

Gaano man ka-excited ang kaibigan ko, sa araw ng pagpunta ni June sa UP, kinailangang umuwi ni Benji sa Bulacan kasi may emergency daw sa bahay. Kapag minamalas nga naman...

Dahil doon, nakiusap si Benji sa akin sa text; samahan ko raw si June sa UP kasi hindi alam ni June kung saan ang OUR, ang Infirmary, ang CAL, at iba pang mga gusali. Kahit puyat ako’t makikipagpatayan para lang makatulog ng maayos sa araw na iyon, pumayag na rin ako. Kawawa naman si June.

Nasabi na ni Benji kay June na ako ang tutulong sa kanya sa UP, kaya ako na ang inaasahan ni June na darating.

Sa Main Libe ang meeting place namin; iyon lang kasi ang alam niyang gusali, kasi kinailangan niyang magsaliksik do’n dati para sa isang report niya sa FEU. Gamit ang kotse ko, pumunta ako doon at hayun siya sa Steps, nakikinig sa discman niya habang hinihintay ako. Pinuntahan ko siya sa kinauupuan niya.

”Ano, tara na?” bati ko sa kanya.

Yinaya ko siya sa kotse. Sa una, nahiya siya kasi gas ko raw ang gagamitin, pero ipinaliwanag ko na gas lang iyon; pabiro kong hinirit na marami akong kuwarta.

Medyo nahihiya pa siya sa akin. After all, iyon ang unang pagkakataong makakasama niya ako ng buong araw. Pinilit ko na lang mag-joke around para lumuwag ang loob niya sa akin. Ikinuwento ko ang katawa-tawa kong karanasan sa banyo sa ikatlong palapag ng AS at tagumpay naman akopuno ang kotse ng halakhak ni June. Ikinuwento rin niya sa akin kung paano siya nahalikan ng isang kaibigang babae sa labi sa isang pagtitiponhabang natutulog siya sa sofa ay hinalikan siya ng isang lasing na dilag sa labi. Nabanggit din niya ang istorya kung pano naging June ang pangalan niya.

Habang nilalakad ang kanyang mga papeles, para kaming mga bata kung magkulitan. Ang sakit manuntok ni June. Kahit pa suntok lang iyon na pangkaibigan, masakit pa rin. Pero oks lang—astig; ito marahil ang dahilan kung bakit kulang na lang ay ipagsigawan ni Benji sa buong UP ang pagtingin niya kay June.

Natapos ang mga kailangan naming gawin sa UP. Nag-alok akong ihatid na siya sa kanila, pero kain muna raw kami. Libre niya. Pinagbigyan ko, pero noong magbabayad na sana siya sa weyter, inabutan ko ng P500 ang weyter at sinabihan ng keep the change.

”Ano ka ba?! Ako ang magbabayad, hindi ba?” protesta niya, habang hawak-hawak pa rin ang perang ipambabayad sana..

”Ah, ikaw ba? Sori, nabayad ko na eh,” sagot ko sa kanya habang nakangiting parang batang nang-aasar.

Bigla niyang kinurot-kurot ang pisngi ko gamit ang kanan niyang kamay. Pagigil niyang sinabi,

“Ikaw talaga, ang kuliiiit-kulit mo. Para kang bata. Kulit!”

Cute na bata?”

”Haha. Sige na, cute na. Pero, uy, thank you talaga, ha. Tara na nga. Baka pagalitan nako sa amin.”

Alas onse na nang gabi nang mahatid ko siya sa kanila. Binigay ko na rin ang cell number ko sa kanya, para kung sakaling may pesteng emergency na naman kina Benji at kailangan niya ng tulong, puwede niya akong kontakin.

Kinabukasan, nagkita kami ni Benji. Magdiya-jogging kasi kami sa UP ng alas singko ng hapon. Wala lang. Ehersisyo. Nagsimula kami sa may Quezon Hall. Habang tumatakbo ay ikinukuwento sa akin ni Benji kung ano ang nangyari sa kanya sa Bulacan, habang ako, maigi lang na nakikinig.

Noong nasa bandang CBA na kami, hayun na naman si Benji sa mga pagpapantasya niya kay June. Pinakita pa niya sa akin ang cellphone niya kung saan ang inbox ay puno ng June, June, June. Kahit mga simpleng “sige” at “okie,” naka-store pa rin. Bawat mensahe raw kasi ay pinapahalagan niya ng todo at paulit-ulit niya itong binabasa kapag naiinip sa lektyur ng guro.

”Pare, nagpaplano na akong umamin kay June. Gusto ko alam na niya. Gusto ko na siyang ligawan, para deretsahan kong masabi ang mga nararamdaman ko sa kanya,” biglang sabi niya sa akin. “Suportahan mo naman ako. Gawin mong pogi ang imahe ko sa kanya. Ano?”

Nanahimik ako sandali. “Paano kung ayoko?”

”Pare naman, ngayon ka pa mang-aasar. Sige na.”

Nagpalipas muna ako ng ilang segundo bago ko kinlaro na hindi ako namumula. “Seryoso ako,” sabi ko, “Balak ko ring ligawan si June.” Ang boses ko, walang tinig ng pangamba sa anumang maaaring maging resulta ng mga binitiwan kong salita. Wala na akong pakialam eh—nahulog na rin ako kay June.

Sa mga sinambit ko, binilisan ni Benji ang pagtakbo niya at humarang sa daanan ko. Sinakmal niya ang mga braso ko ng mahigpit at tiningnan ako ng deretso sa mata. Natigil ang pagtakbo namin.

”Teka, teka, teka. Magkalinawan nga tayo, pare. Usapang lalaki lang, ha. Ano nga ulit ang sabi mo?”

”Sigurado kang gusto mo ulit marinig?” tugon ko. “Benji, ang sabi ko, liligawan ko si June. May gusto ako kay June at gusto ko siyang maging girlfriend. Kaya liligawan ko. Narinig mo? Simple, hindi ba?”

Palalim nang palalim ang paghinga ng pare ko. Parang bomba na anumang oras ay sasabog. Para siyang nagta-transform into a werewolf. Unti-unting lumukot ang kanyang mukha. Hindi pa rin naaalis ang pagtitig sa mga mata ng bawat isa, kaya laking gulat ko nang nakita kong nagsituluan ang luha ni Benji. Hindi ko alam kung sa sobrang galit o lungkot, pero umiyak siya.

Bigla niya akong tinulak ng malakas at napaupo ako sa kalsada. Kalmado naman ako. Cool lang. Alam ko ang nararamdaman niya.

”Putang-ina mo, pare! Bakit ka ganyan? Ha? Bakit? Ano’ng problema mo? Ha?” sigaw niya sa akin. Buti na lang at walang tao sa paligid kundi aakalain nila nagsiyu-shooting kami ng teleserye. Baka isipin pa nila bagong miyembro kami sa Joyride.

Kumuha ako ng yosi at sinindi ito habang nakatitig sa kawalan. Nakikinig lamang ako sa mga sermon niya sa’kin habang pinapanood ang usok na binubuga ko. Paulit-ulit ang mga sinasabi niya. Sisimulan niya ng isang malutong na “putang-ina” o kaya “tarantado ka pala eh,” tapos susundan ng mga basurang tanong: kung bakit daw ako ganito, kung bakit si June pa, kung anong nakain ko, etcetera. Cool pa rin ako. Kapag nanakit ito, kako, doon ako kikilos. Huwag na nating isama iyong pagtulak niya sa akin kanina. Bonus na iyon, sige.

Hindi ko mapigilang magsalita. “Tsong, ba’t ka umiiyak?” tanong ko.

Habang parang naghihingalo, “Ikaw kasi, eh. Ba’t si June pa? Ha? Ba’t si June?” sagot niya.

Sinabi ko naman ang totoo, pero sarkastiko ang huli kong tanong sa tugon ko. “Ganda eh. Lakas ng dating. Sweet. Tama ka sa mga paglalarawan mo. Teka, bawal ba siyang ligawan?”

”Pare, alam mo naman kasing matagal na akong may gusto sa kanya, hindi ba? Bakit—“

”Eksakto. Tsong, hindi ibig sabihing may gusto ka sa kanya, sayo na siya. Teka, ano ba talagang iniiyak-iyak mo diyan? Para kang hindi lalaki.” Medyo basa na ako sa pawis kaya hinubad ko ang pantaas ko. Nakita ko ang tattoo kong Pentagram sa kaliwang balikat. No’n ko lang napansin na ang ganda pala niyang tingnan kapag mamawis-mawis ang katawan ko.

Nanahimik muna si Benji. Ang tagal niyang hindi nagsalita. Parang iniipon muna niya ang mga salitang gusto niyang sabihin sa’kin. Nakakatatlong yosi na’ko.

Sa wakas, nagsalita rin. Hindi na siya sumigaw; malumanay na medyo basag. Palibhasa umiiyak. “Pare,” simula niya, “talong-talo ako sayo. Alam kong alam mo iyon.”

Alam ko nga ba? Basta ako, ang iniisip ko lang ay si June. Wala akong balak makipag-kompetensiya. Kung magiging magkaribal kami, edi go. May the handsomer man win.

Ipinagpatuloy niya ang satsat, “Guwapo ka. Suma-sideline bilang model. Mayaman. May wheels. Nag-aaral. Mahusay kumanta. Involved sa sports. Magaling sa soccer. Ayos ang personalidad mo. Kahit anong klaseng tao kaya mong pakibagayan. Ikaw ang ideal na lalaki ni June. Ikaw. Wala akong laban. Ibalato mo na siya sa akin, please.” Lumuhod pa siya sa harapan ko.

Para akong nagbasa ng Friendster Testimonial sa mga sinabi niya tungkol sa’kin. Tama pala ang laman ng dalumat ko. Umiiyak ang pare ko dahil takot sa akin. Takot na takot. Hay. Walang kalaban-laban. Alam niyang wala siyang kapag-a-pag-asa sa puso ni June kung sasali ako sa karera. Isa akong threat sa kanyang nais niyang mangyari sa buhay niya.

Tumayo ako mula sa pagkakaupo at sinuot muli ang shirt kong may Che Guevara. Lumapit ako kay Benji, itinayo siya mula sa pagkakaluhod, at yinakap siya. Tinapik ko ang likod niya, sabay sabing “Sige, tol, kaya mo iyan. Guwapo ka rin naman; mas maputi nga lang ako. Ganyan talaga ang buhay-pag-ibig. Hindi maiiwasang may twist. Tip lang, gusto ni June ang mga makukulit at mahilig siya sa shawarma. Maanghang dapat.”

Nagpaalam na ako sa kanya at naglakad paalis. Naiwan siya doong walang imik at nakatitig sa kalsada na parang hindot. Sa hindi kalayuan, pinaalala ko, “Uy, pare, huwag magpapakamatay, ha? Masama iyon. Huwag mong tularan si Mallow (unang bokalista ng Alpha State).”

Ang sarap talaga ng kinakatakutan bilang karibal sa pag-ibig. Anong magagawa ko? Ideal akong boyfriend. Kaya siguro Pekto ang tawag sa akin noong hayskul kasi per-“pekto” ako, hahaha.

Huy, hindi iyon ang tawag sa'kin dito ah.



###############
"The author is dead." This is to be read without associating the character or his environment with the author. It's pure fiction.
Lagsh disappeared from circulation for a long time because he was undergoing the application process of his beloved org in UP, the UP-CMC Broadcasting Association.