Kuwento
Personal Thoughts : KuwentoContributed by vintage (Edited by mananalaysay) Tuesday, February 24, 2004 @ 01:37:03 PMPrint Send
Para sa mga gustong makaalam,
Isang malaking kasayangan ang pagkawala ni Lisa. Kung alam niyo lang ang lahat ng pinagdaanan niya, maiintindihan niyo ang ibig kong iparating. Ang alam ko lang ay itong pangyayaring ito ay isang malaking kawalan para sa ating lahat.
Matagal ko nang kilala si Lisa, grade 4 pa lang yata ay kinukwentuhan na niya ako. Noon nga lang mabababaw lang ang mga kinukuwento niya, tungkol sa crush, sa napanood na sine kasama ang kanyang ina at iba pang kalokohan niya. At dahil mahiyain at tahimik na bata si Lisa, ako lang ang nagpagbubuhusan niya ng sama ng loob. Lahat ng pinagdaanan niya sa kanyang kamusmusan ay makulay at detalyado niyang inilalarawan sa akin.
Pero isang gabi noong lumapit siya sa akin para makausap, isang tingin lang sa kanyang mga mata ay nararamdaman ko na ang sakit ng kanyang nadarama. Ninais kong pagaanin ang kanyang bigat na dinadala sa damdamin kung kaya't binuksan ko ang aking sarili para kanyang makuwentuhan.
Pagkatapos ay sinabihan na niya ako kung ano ang nangyari, at ito ang mga katagang hindi ko malilimutan... "Pumasok si Tatay sa kuwarto, tapos." Matagal bago ko matanggap sa sarili ko ang kasamaan ng pangyayari, kalunos-lunos, ngunit wala akong magawa kung hindi tanggapin ang kanyang pighati.
Simula noon ay lalong naging tahimik at mahiyain si Lisa, at ngayon ay wala na talagang kaibigan sa eskuwela. Ako na lang talaga ang kinakausap niya. Kadalasan pa nga ay inaasar siya dahil sa palagian niyang pag-iisa lalo na sa paglalakad niya sa pag-uwi. Ang mga linggong iyon ay puno ng iyakan sa kanyang pagsalaysay sa pang araw-araw niyang buhay. Ngunit hindi pa natapos doon ang kanyang suliranin. Noong ika-13 niyang kaarawan ay biglang isinugod ang kanyang ina sa ospital. Dahil may sakit ang kanyang ina na anemia ay bigla na lang inatake ito dahil sa kakulangan sa dugo. Nasaktan ako nang lubusan habang kinukuwentuhan ako ni Lisa nitong nakalulungkot na pangyayari.
Matapos ng dalawang araw ay hindi na kami nagkikita ni Lisa at lumipas na ang dalawang buwan bago kami nagkaroon ng pagkakataong mag-usap muli. At hindi pa maganda ang muli naming pagkikita.
Hindi ko akalaing ang ika-22 ng Pebrero ang pinakahuling araw na maririnig ko ang lambing ng kanyang mga salita. At ito ang kanyang mga sinabi sa akin, "Maaga ako umuwi, wala naman akong gagawing sa Prom namin eh," pangiti niyang sinimulan ang kuwento. "Kaya lang naman ako sumama kasi decorating comittee ako," biglang nawala ang ngiti sa kanyang mga labi. "Pero hindi yun ang hindi ko makayanan ngayong araw na 'to. Kaya kita kinausap muli kasi ang sakit... masakit talaga."
Inaasahan ko nang marinig ang hindi ko gustong marinig, "Matapos kong umuwi, dumating si tatay mula sa istasyon, lasing na naman tapos inutusan niya akong hilutin siya. Tapos..." Tahimik na pumatak ang luha ni Lisa, “...ayaw ko na talaga. Buti nga’t nandito ka, ang nag-iisa kong kaibigan para damayan ako. Salamat.” Pagkatapos niyang sabihin ang mga salitang iyon ay dahan-dahan siyang tumayo at naglakad palayo.
Ang mga sumusunod na pangyayari ay kakilakilabot. Narinig ko ang isang kakaibang pitik, ‘click.’ Daliang sumunod ang nakabibinging putok, isang pagsabog na magiging dahilan ng permanenteng paghinto ng usapan naming ni Lisa.
Sa lahat ng pangyayari, ang pinakahihinayangan ko kay Lisa ay ang kanyang walang limitasyong pagmamahal. Paano ko nasabi iyon? Dahil narinig ko ang bulong niya bago kalabitin ang bakal na kumitil sa kanyang buhay. Ang sabi niya, “sana po, alagaan niyo si Tatay…”
Kaya nga’t isang malaking kawalan si Lisa. Isang malinis na puso na dinungisan ng kasamaan ng mundo at tao. Hiling ko lang na mabasa niyo itong sulat ko.
Nagmamahal at Nagdadalamhati,
Diary
####################
isa pa to nakakalungkot, huhuhu
<< Home