Best Friend
Personal Thoughts : Best FriendContributed by seminarista (Edited by mananalaysay) Friday, July 23, 2004 @ 02:11:25 AMPrint Send
Pasado alas-nueve na ng gabi. Inihiga ko ang pagod kong katawan sa kama at niyakap ko ang paborito kong unan. Ngunit lumipas ang humigit-kumulang sa isang oras , nananatili pa ring gising ang aking diwa. Nakailang biling-baligtad na ako sa aking kama ngunit hindi man lang ako nakaramdam kahit kaunting antok.
Bumangon ako at umupo sa gilid ng kama. Nag-isip ako ng maaaring gawin para antukin ako hanggang sa dumako ang paningin ko sa mga librong nakasalansan malapit sa shoe rack. Napabuntong-hininga ako sa nakita ko. Hindi ko na nahaharap ang pag-aayos ng kwarto dahil sobrang abala ako sa trabaho ko. Kinuha ko ang librong Thunder ni James Grady. Ilang buwan na rin pala ang nakakalipas mula ng ipahiram sa akin ng kaibigan ko 'yun pero kahit isang pahina ay wala pa akong nababasa.
Bumalik ako sa pagkakahiga at nagsimulang magbasa. Nasa ika-sampung pahina na ako ngunit wala akong naintindihan kahit konti. Tila ayaw gumana ng utak ko. Binitiwan ko ang libro at niyakap kong muli ang aking unan. Nanatili ako sa ganong posisyon hanggang sa mapabalikwas ako sa biglang pagkakaalala sa best friend ko. Tiningnan ko ang kalendaryo. March 15.
"Syet! Birthday pala ngayon ni best friend! Bad trip nawala sa isip ko. Sana lang 'wag siyang magtampo. Kaya siguro ako di makatulog."
Napangiti ako sa pagkakaalala ko sa matalik kong kaibigan at sa napakaraming pinagdaanan namin. Lagi kaming magkasama sa oras at saya, sa kabiguan at tagumpay. Mas matanda ako sa kanya nang ilang buwan pero mas matured siyang mag-isip kaysa sa akin. Siya ang bukod tanging takbuhan ko kapag may problema. Siya ang taong hindi ako nagdadalawang-salita kung may hihingin akong pabor kahit dis-oras na ng gabi o kaya nama'y nagising ko siya sa gitna ng kanyang pagkakahimbing. Siya ang aking crying shoulder kapag di ko na kayang pigilin ang luhang dulot ng malupit na trato sa akin ng mundo. Siya ang taong kung ituring ako'y parang tunay na kadugo. Siya ang best friend ko, ang nag-iisang kakampi ko.
Alam ko kung gaano ako kamahal ng kaibigan ko. Lagi niya akong ina-assure na hanggang buhay siya lagi niya akong ipagtatanggol sa mga umaapi sa akin. Alam niya ang pinagdaanan ko simula pa lang noong mga bata pa ako. Sa napakamura kong edad, naranasan ko ang matinding kalupitan mula sa isang taong inakala kong kakampi ko. Batid niyang 'yun ang dahilan kung bakit ako dumaranas ng matinding inferiority complex at kung bakit lumaki akong mahina at takot sa mundo. Walang ibang nakakaalam ng pangyayaring 'yun kundi siya.
High School na kami noon pero siya pa rin lang ang kaibigan ko. Hindi kami magkaklase noon kaya nag-aantayan na lang kami sa tabi ng rebulto ni Rizal kapag recess at sabay na kakain. Doon din ang aming meeting place kapag uwian na. Ilang beses na niya akong sinabihan na huwag akong matakot makipagkaibigan sa iba. Hindi raw kasi sa lahat ng oras ay magkasama kami. Alam ko 'yun pero para sa akin hindi ko na kailangan pa ng ibang kaibigan dahil kuntento na ako sa kanya. Gano'n ako ka-emotionally attached at dependent sa kanya.
Dumating ang panahong kinailangan niyang magbakasyon sa probinsiya nila dahil namatay ang lola niya. 'Yun ang unang pagkakataon na wala akong kasamang pumapasok at umuuwi. Pagbalik na pagbalik nya kinuwento ko 'yung ginawang pang-iinis ng kaklase kong ipinanganak lang yata para magpahirap sa mga taong nasa paligid niya. Tinanong niya ako kung ano ang ginawa ko, sinabi ko na tumahimik na lang ako. Inakbayan niya ako at muli, sinabi niyang lawakan ko ang mundo ko at makipagkaibigan sa iba para raw may iba akong makakasama at may magtatanggol sa akin kung wala siya. Umoo ako at sinabi kong susubukan kong gawin ang sinabi nya. Sinabi ko rin sa kanya na kahit magkaroon pa ako ng maraming kaibigan, siya pa rin ang nag-iisang best friend ko. Ngumiti siya at nagyayang kumain sa tapsihang malapit sa amin.
Naputol ang paglalakbay ng isip ko nang tumunog ang aking celfone. Isang forwarded message galing sa isang kaibigan ko noong college. Alas-onse pasado na pala. Kailangan ko nang matulog kasi pupuntahan ko pa ang best friend ko bukas nang maaga bago ako tumuloy sa trabaho ko.
Kinabukasan, alas-singko pa lang ay gising na ako. Inayos ko nang mabuti ang sarili para magmukha akong presentable pagharap ko sa kanya. Dumaan muna ako sa isang grocery store malapit sa amin para bumili ng konting pasalubong para sa kanya.
Nathan M. Reyes Born: March 15, 1979
Died: July 02, 1997
Nilapag ko ang dala kong paborito nyang tsokolate at bulaklak sa puntod nya. Umupo ako at sinindihan ang asul na kandilang binili ko sa labas ng sementeryo.
"Best friend, sana nandito ka pa para makita mo na hindi na ako ang kaibigan mong weakling at takot sa mundo. Nakikipag-away na nga ako eh pero hindi ako war freak."
Halos pitong taon na ang nakalilipas nang bawian ng buhay ang matalik kong kaibigan dahil sa isang car accident. Nabangga ang sinasakyan niyang dyip habang pauwi siya mula sa pagdalo ng kaarawan ng kaibigan niya. Dead on the spot.
Sobrang lungkot, pangungulila at depresyon ang naramdaman ko noon. Hindi ko alam kung paano ang mabuhay nang wala sa tabi ko ang isang taong nagparamdam sa akin kung ano ang unconditional friendship. Hindi ko alam nun kung paano ko sisimulang muli ang buhay ko nang wala ang pinakamamahal kong kaibigan.
"Kung andito ka lang, I'm sure you'd be proud of me. Marami na akong kaibigan ngayon pero siyempre ikaw pa rin ang nag-iisang best friend ko. Salamat ulit sa pagtitiyaga mo sa akin dati. I wouldn't be what I am today if not for you."
Pinunasan ko ang nangingilid sa luha kong mga mata at bumulong ng isang maikling panalangin. Pagkatapos nun ay tumayo na ako at naghanda para umalis.
"Happy Birthday, best friend. Sana magkita tayong muli."
################################
kakalunkot naman to huhuhuhu
<< Home